By: Ian F. Farinas
Gaya ni Heart, two-year guaranteed at exclusive contract ang pinirmahan ng tinaguriang “Primetime King” ng GMA-7, kasama ang ina at manager na si Annabelle Rama.
Nauna nang nabalita na ang susunod na project ni Richard pagkatapos ng telefantasyang Kamandag (na nagtapos kagabi) ay ang action-packed Asero (working title), na kukunan sa Dubai sa first two weeks of May.
Kinumpirma ito ng GMA-7 bosses na sina Atty. Felipe Gozon, Jimmy Duavit at Wilma Galvante, na kasamang humarap sa press ng mag-inang Gutierrez sa ginanap contract signing.
Sa harap din ng mga naturang opisyales ay siniguro ni Richard na hindi niya ma-imagine ang sariling nagtatrabaho para sa ibang istasyon maliban sa GMA-7.
Blessed daw siya sa pagkakaroon ng mga boss na tulad nina Gozon at dahil sa pagkalinga na ng mga ito siya lumaki bilang artista, itinuturing niya itong mga “kapamilya” more than anything else.
Tulad ng pahayag ng actor sa isang previous interview, siya raw ang huling nakaalam na may tsikang lilipat siya ng istasyon, sa ABS-CBN.
Sa totoo lang daw, never dumapo sa isip niya ang gayung ideya.
Sinusugan naman ito ni Tita Annabelle, na nagsabing talagang walang alam ang anak sa mga intrigang lumabas dahil puro trabaho lang ang ginagawa’t pinagkakaabalahan nito.
Ayaw na ayaw daw niyang iniistorbo si Chard, kaya sila-sila lang ng ibang miyembro ng Gutierrez clan ang nag-uusap-usap kapag may mga bagay-bagay na kailangang pagdesisyunan.
Saka lang daw sinasabi ni Tita Annabelle kay Chard ang mga kaganapan ’pag nasisiguro na niyang tuloy na tuloy na kung anuman ang napagkakasunduan.
As for Atty. Gozon, ikinuwento niya sa press ang naging pag-uusap nila noon ni Tita Annabelle, kung saan sinabi raw niya rito na mas mabuting sa Siyete pumirmi si Chard dahil wala pa silang artistang lalaki na dine-develop, hindi tulad sa ibang istasyon na marami nang ginu-groom na male talents.
“’Yun ang kagandahan sa ang talent manager, eh, nanay. Hahaha! Du’n ko nakuha si Annabelle,” pagbibiro pa ng GMA big boss.
Dagdag pa niya, naniniwala siya sa lalim ng samahan nila nina Annabelle at Richard at tiwala siya na lalagpas pa ito sa dalawang taong kontrata na pinirmahan ng aktor.
Actually, maliban sa Asero, kasama rin sa mga proyektong gagawin ng young actor hanggang 2010 ang Captain Barbell Meets Darna at ang Pinoy adaptation ng isang Koreanovela.
Hindi nga lang binanggit ni Wilma kung ito na nga ang Pinoy adaptation ng Koreanovelang Full House, na ipinalabas din sa GMA-7 noon.
And since pumirma na rin si Chard ng exclusive contract sa GMA Films, posible raw ang pagtatambal nila ni Heart sa pelikula.
Katunayan, ngayon pa lang ay super excited na si Chard sa pagpapareha nila ng girlfriend ni Jericho Rosales.
Ibinuking pa nga ni Tita Annabelle sa sobrang excitement ng anak, wala na itong ginawa nu’ng Miyerkules kundi tumawag sa kanya para itanong kung nakapirma na nga ang dalaga ni Reynaldo Ongpauco sa Siyete.
Magaling umarte, maganda, mayaman at disente ang ilan sa adjectives na pinawalan ni Tita Annabelle tungkol sa bago niyang alaga. At dahil sa mga ito, wala raw magiging problema sa kanya sakali mang magkatuluyan sina Chard at Heart sa totoong buhay.
Hindi raw niya inaalis ang posibilidad na magkadebelopan ang dalawa, lalo na ’pag nag-umpisa na ang mga itong magtrabaho, dahil araw-araw nang magkakasama sa set.
Paalala lang ni Tita Annabelle kay Chard, kahit sino pa ang maging girlfriend, laging gumamit ng condom o kaya’y pagamitin ang babae ng pills para laging safe. Feeling daw kasi niya, hindi pa handa ang anak sa malaking responsibilidad sa buhay.
Tawa naman nang tawa ang writers na dumalo sa contract signing, dahil casual na casual ang pagda-dialogue ni Tita Annabelle ng tungkol sa condom, hitsura ng katabi lang niya sa kanan si Atty. Gozon, huh! Hahaha!
Seriously, although nasa anak na raw niya ang halos lahat �" magarang bahay, stable job, financial stability, etc. �" mas gusto pa rin ni Tita Annabelle na i-enjoy muna nito ang pagiging binata para hindi sa hiwalayan magtapos ang maagang pag-aasawa gaya ng iba.
After all, 24 years old pa lang daw si Chard. Sa ngayon, hindi pa raw ito puwedeng mag-asawa. Maybe in six years’ time o pagtungtong ng actor ng edad 30, puwede na.