Josephine Cruz
Friday, December 28, 2007
World-class na produksiyon, star-studded na cast at nakakahumaling na kuwento ng mga Ambog at mga tao na puno pa ng aksyon at makulay na pakikipagsapalaran ng bida ang ilan sa mga dahilan kung bakit patok na patok at nangungunang telefantasya ngayon ang Kamandag.
Mula sa orihinal na likha ni Carlo J. Caparas, naging malapit sa puso ng mga Pinoy—bata man o matanda—ang Kamandag dahil sa kuwento nito tungkol sa isang nilalang na naghahanap ng pag-ibig, pamilya, at halaga niya sa buhay matapos matuklasan ang kapangyarihan.
Pinangungunahan ng Primetime King na si Richard Gutierrez na gumaganap bilang si Vergel at Kamandag, ang pinakabagong Pinoy superhero na kalahating tao at kalahating ahas na ginagamit ang kapangyarihan sa kabutihan.
Kasama ni Richard sa engrandeng telefantasyang ito ang ilan sa mga pinagpipitagang artista sa industriya ‘tulad ni Johnny Delgado at ang pinakabagong miyembro ng Kapuso Network na si Eula Valdez.
Ito ang kauna-unahang proyekto ni Eula Valdez sa GMA-7. Ayon kay Eula, masaya siya sa role na ibinagay sa kanya bilang si Reyna Alicia. Naghahanda na rin si Eula sa mga action scenes na kanyang gagawin dahil magkakaroon ng pagbabago sa kanyang karakter na ngayon ay nakakulong sa selda.
Ang award-winning actor naman na si Johnny Delgado na gumaganap bilang si Haring Budog ay patuloy na pinahahanga ang kanyang mga kasamahan at mga manonood sa kanyang galing sa pag-arte dahil kahit walang dialogue, naipapakita niya ang mensaheng gusto niyang iparating.
Kabilang sina Eula at Johnny sa mga karakter mula sa kaharian ng Ambograw na may limang lahi—ang mga Hasbaya (ahas), Buson (lobo), Kibal (musang), Bagol (toro), at Lubot (unggoy).
Kung si Richard ang mabait na si Vergel at superhero na si Kamandag, si Mark Anthony Fernandez naman ang bad boy na si Lucero at super villain. Kapwa sila merong super powers na kahalintulad ng sa ahas, pero ginagamit ito ni Vergel sa kabutihan samantalang pumapatay naman si Lucero.
Tuwang-tuwa si Mark sa tiwalang ibinigay sa kanya ng GMA-7 at hindi naman nagkamali ang management sa pagpili sa kanya dahil sa galing ng aktor ay swak na swak sa kanya ang karakter na si Lucero. Kakaiba rin ang chemistry nila Richard at Mark sa TV bilang best friends na magiging worst enemies.
Mula sa direksyon nila Mark Reyes at Topel Lee, ipinagmamalaki rin ng Kamandag ang world-class production design nito mula sa magarbong costumes na likha nina Noel Flores at Bill Gustilo hanggang sa rainforest set ng kilalang production designer na si Rodel Cruz at ng kanyang team, pati na rin ang makapigil-hiningang action-packed scenes matapos ang matinding training ni Richard ng Jujitsu kay international Ultimate Fighting Championship superstar Brandon Vera. Bukod dito, gumagamit din ang Kamandag ng mga tunay na ahas sa taping para mas maging makatotohanan ang eksena. Ang grupong Larger Than Life naman ang gumagawa ng magagandang visual effects ng show.
Ang Kamandag ang huling pasabog ng GMA-7 sa 2007 na nagsimula noong Nobyembre 19 at nakakuha ng overnight ratings na 42.7 percent sa pilot episode nito. Simula noon, patuloy na mataas ang ratings na nakukuha nito at tinututukan nang husto ng maraming Pinoy.
Huwag palagpasin ang makapigil-hiningang labanan sa pagitan ng kabutihan at kasamaan sa exciting na adventure ng pinakabagong Pinoy superhero na si Kamandag. Mapapanood gabi-gabi sa GMA Telebabad.
No comments:
Post a Comment